Tuesday, May 12, 2009

ANG SIBULAN SA BUNDOK APO

Ang Sibulan Sa Bundok Apo


NUONG pasimula, nabuhay ang isang lalaki lamang, si Toglai, at isang babae, si Toglibon. Ang 2 unang anak nila at isang lalaki at babae na, paglaki, ay naglakbay sa malayong-malayo upang humanap ng matitirahan. Walang nabalita tungkol sa kanila hanggang bumalik ang kanilang mga anak, ang mga Español at mga Amerkano.

Pagkatapos umalis ang 2 unang anak, nagka-anak pa ng marami sina Toglai at Toglibon. Wala sa kanilang umalis, namuhay lahat sa Sibulan, sa gilid ng bundok Apo, kasama ng kanilang mga magulang. Pagkaraan ng matagal na matagal na panahon, namatay din, sa wakas, sina Toglai at Toglibon at naging mga ‘diwata.’

Hindi nagtagal pagkatapos, nagpanahon ng tuyot (sequia, drought) at sa luob ng 3 taon, wala kasing patak ng ulan (lluvia, rain) na bumagsak. Lahat ng ilog at lawa ay natuyo, at sa kawalan ng tubig, natuyo lahat ng halaman, at namatay pati mga isda at iba pang hayop na nabubuhay sa tubig.

“Talagang pinarurusahan tayo ni Manama,” sabi ng mga ulilang magkakapatid. “Kailangang maglakbay tayo nang malayo sa iba’t ibang upang humanap ng tubig at pagkain.”

Dala-dalawa, nag-alisan ang magkakapatid mula sa sinibulan sa bundok Apo at kumalat kung saan-saan. Sa bawat puok na tinigilan nila, dumami ang mga tao at ganito nagka-tao sa buong daigdig. Ang pangkat-pangkat na nabuo ng kanilang mga anak-anakan (descendants) ay tinatawag pa hanggang ngayon ayon sa mga bagay na dala nila mula sa Sibulan.

Isang babae at isang lalaki ay nagtungo sa kanluran (occidente, west), bitbit-bitbit ang mga bato mula sa ilog Sibulan. Pagkatapos ng mahabang lakbay, nakarating sila sa isang puok na may mala-lawak na bukid, tinutubuan ng makapal na talahib (cogon, elephant grass), at dinidilig ng marami at malalaking ilog at lawa ng tubig (laguna, lake). Nanduon pa hanggang ngayon ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag na Magindanao dahil sa mga bato mula sa ilog Sibulan na binibitbit duon ng mga ninuno.

Dalawa pang anak nina Toglai at Toglibon ay nagtungo naman sa timog (sur, south), bitbit ang mga buslo (cestas, baskets) na tinawag na mga baraan. Nakakita rin sila ng mainam na matitirahan, at duon dumami ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag ngayong Baraan o Bilaan dahil sa dala-dalang mga baraan ng kanilang ninuno.

Dalawa sa mga naulilang anak nina Toglai at Toglibon, isang binatilyo at isang dalagita, ay hindi nakaalis sa bundok Apo dahil masyado nang nanghina sa gutom upang maglakbay. Dumating ang araw na agaw-buhay na sila nang gumapang ang binatilyo upang humanap ng anumang makakain. Hindi inaasahan, nakakita siya ng tubo matamis (sugarcane) na, pagkaputol niya, ay may sapat na katas (jugo, juice) upang buhain silang dalawa hanggang natapos ang panahon ng tag-tuyot at nagsimula ang tag-ulan. Dahil dito, ang mga anak-anakan nila ay tinatawag ngayong Bagobo.

ANG PINAGKUNAN
Origin,’ a Bagobo ( Mindanao) Myth, Philippine Folk Tales, compiled and annotated by Mabel Cook Cole, A. C. McClurg and Company, Chicago, 1916,
The Project Gutenberg EBook, produced by Jeroen Hellingman and the PG Distributed Proofreaders Team from scans made available
by the University of Michigan, http://www.gutenberg.org/files/12814/12814-8.txt

http://www.elaput.org/almat09.htm


No comments:

Post a Comment